Friday, December 18, 2009
TULOY
Sa panunulay sa himaymay ng mapagpalayang dampi ng PAG-IBIG, nawa'y mahayaang ihayag ang mga yapos ng pagsintang sumusuyo sa damdaming umaasam...Ipaubaya sa hindi mawawaring paghahayag ng kaluluwa ang sugpungan ng siniphayong kaligayahan upang ang tunay na kaganapan ay matagpuan sa bisig ng dakilang MANGINGIBIG...
KAGANAPAN DAHIL SA PAG-IBIG
Isiksik sa diwa ang di malirip na damdamin upang kaipala'y marating ang rurok ng kaganapan...simsiming tulad sa pamumukadkad ng mga talulot na ang halimuyak ay walang kapantay...taluntunin ang kalayaang sa sumpa'y wagas at patuloy na nangungusap ang PAG-IBIG na dalisay...
BIHAGIN
Bihagin ang damdaming niliyag ng maling paglingap...Sagipin ang paglaya upang huwag sa dusa'y tuluyang magupo at masadlak...
SULOK NG PANGARAP
Minsan sa sulok ng pangarap sumisilay ang hiwaga ng buhay...binabalot ng kaligayahang inampon ng kandiling maalab...ito ang buhay na hinubog sa sinapupunan ng PAG-IBIG na wagas...
IGUHIT
Iguhit ang aking larawan sa hulmahan ng sinapupunang pinagtampisawan ng mabathalang pagkalinga...igiya ang bawat himaymay sa talulot ng pinagsisidlang katangian ng karangalan...ako ay ako sa simula ng pagdampi ng banayad na siphayo ng PAG-IBIG na banal...
LANGIT
Hahanapin ko ang langit sa piling Mo o aking Mangingibig upang ang paraiso ng kaluwalhatian ay masumpungang walang bahid at puno ng kadalisayan...
MAGULO
Ewan nga ba kung bakit napakahiwaga ng PAG-IBIG...pilit na dumarating sa panahong hindi sadyang inaasahan...at kung pagwawalang bahala naman ay sarili lamang ang sinasaktan...Hay! naku! ang PAG-IBIG nga naman...
BISIG
Itago Mo ako sa bisig ng Iyong pagmamahal upang doo'y manaig ang pagsintang hindi magmamaliw kailanman...
Subscribe to:
Posts (Atom)