Monday, September 28, 2009

PAGKAING NAGBIBIGAY-BUHAY (Juan 6: 24-35)



Sino po sa atin ang hindi nagugutom? Sino po sa atin ang hindi nauuhaw? Lahat po tayo ay nakakaranas nito sapagkat ito ang pangunahing pangangailanagn ng ating katawan para mabuhay…Kumakain at umiinom tayo para mabuhay…para magpatuloy sa pakikipagsapalaran sa buhay.

Kung atin din pong mapapansin, ito rin ang kadalasang katanungan natin kung pagbabasihan ang kulturang Pilipino…Kapag may dumating tayong bisita sa bahay ay agad nating tinatanong kung, “Kumain ka na ba? o Nauuhaw ka ba?” Sumagot man o hindi ay pipilitin nating paupuin sa hapag at paghainan ng anumang makakain o maiinom… Ganyan po tayong mga Pilipino…Ganun din po tayo tinatanong ng Diyos…Tinatanong Niya kung tayo ay kumain na o uminom na? Inaalala Niya kung tayo ay nabusog na o natighawan na ng uhaw. At walang pasubaling pagkakalooban Nya tayo kahit hindi pa natin sabihin.

Malinaw sa unang pagbasa kung paano mahimalang pinakain ni Yahweh ang mga Israelita sa ilang ng subukin Siya sa pamamagitan ng pagrereklamo kina Moses at Aaron. Hinambing ng mga Israelita ang kanilang kalalagayan noong sila ay nasa Ehipto at pinamumunuan ng Paroah ngunit sagana sa pagkain samantalang dumaranas ng gutom at uhaw sa ilang sa pagsunod sa Diyos. Daman g Diyos ang pangangailanagn ng tao kaya’t si Yahweh ay kagyat na TUMUGON NG WALANG PAG-AALINLANGAN. Nagpakain Siya ng manna o ma ha na ang ibig sabihin sa Hebreo ay “Ano ito?” Ito’y isang paraan ng pagpapakita ng Diyos sa Kanyang KAGANDAHANG-LOOB.

Sa Ebanghelyo naman ay pinatutunayan ang muling PAGTUGON NG DIYOS NG WALANG PAG-AALINLANGAN sa pamamagitan ni Hesus. Sinasalamin sa pagbasang ito na ang susi sa biyaya ni Hesus ay PANANALIG na siya ang isinugo ng Ama at ang salita na nagbibigay-buhay. Ang sinumang mananalig sa Kanya ay makakasumpong sa katotohanan ng pag-iral ng Diyos. Sa pagbasang ito ay nilinaw ni Hesus na hindi si Moses ang nagbigay sa kanilang mga ninuno ng manna kundi ang Diyos. Ang manna ay hindi mismong ang tinapay ni Yahweh kundi simbolo lamang ng tinapay ni Yahweh. Ang tunay na tinapay ng Diyos ay ang pumarito sa lupa buhat sa langit na hindi lamang nagbigay ng pagkaing makakapawi ng gutom ngunit higit sa lahat ay NAGBIBIGAY BUHAY. Ipinaliliwanag Niya na ang tanging makakapalis ng kagutuman ay Siya.

Bilang tao, marami tayong uri ng PAGKAGUTOM AT PAGKAUHAW… pagkagutom at pagkauhaw sa MATERYAL NA BAGAY na nagbubunsod sa atin para gumawa ng masama tulad ng pagnanakaw sa maliit o malaking bagay… pagkagutom at pagkauhaw sa KAPANGYARIHAN kaya’t nagagawang gamitin ang kapangyarihan upang umabuso at mangurakot…pagkagutom at pagkauhaw sa PAG-AARUGA AT PAGKALINGA kaya ang iba’y nawawalan ng pag-asa at napipilitang kitlin ang buhay… pagkagutom at pagkauhaw sa PAG-IBIG kaya’t hinahanap ang pagmamahal sa barkada, bawal na gamot at pag-kapariwara…at kung kung minsan pagkagutom at pagkauhaw sa DIYOS kaya’t kadalasan sa pagdating ng mga pagsubok ay agad ginugupo at sinisisi ang Diyos, kung minsan ay lumilipat ng relihiyon at sasabihing doon nila natagpuan ang Diyos.

Ito ang ating mga PAGKAGUTOM AT PAGKAUHAW subalit ang Diyos ay tinutugunan ang mga bagay na ito. Ang Diyos ay natatagpuan dito…dito sa puso ng bawat isa sa atin. Wika nga ni Sta. Teresa ng Avila, “Ang Diyos ay SAPAT na.” Manalig lang tayo. Si Hesus ang pagkaing nagbibigay-buhay. Siya ang TUGON NG DIYOS NA WALANG PAG-AALINLANGAN. Bakit hindi natin buksan ang ating mga puso sa pananampalataya sa Kanya? Kung ang Diyos sa pamamagitan ni Hesus ay tumutugon sa atin ng walang pag-aalinlangan, ganun din po kaya tayo? Wala nga bang pag-aalinlangan o agam-agam ang ating pananampalataya sa Diyos. PANANAMPALATAYA sa pagkaing nagbibigay-buhay ang tanging hinihiling sa atin ng Diyos. Sana wag tayong mag-alinlangan tulad ng Diyos na walang pag-aalinlangan sa atin sa pagbibigay ng Kanyang KAGANDAHANG-LOOB na walang iba kundi si Hesus. Sana kapag tinanong tayo ng Diyos kung kuamain na tayo ay tumugon tayo ng “OO” ng may PANANAMPALATAYA. Pananampalataya ang ating daan tungo sa pagtuklas sa pagkaing nagbibigay-buhay.

No comments:

Post a Comment