Wednesday, September 16, 2009

SA KALALIMAN NG GABI

Maglalakbay ang dilim sa madawag na bukirin
Doo'y sisilipin ang nagpupuyong damdamin
Pagniniig sa hiwaga ng kataksilang matamis
sa mundo ng kawalang malay, sisilay ang isang kaalaman

Isa-isang lalakbayin ng diwa ang mga pagbati
Sa munting daluyan ng aking kamuwangan
sisidlang kristal ang aking kaparis
Hindi mapaparam ang sikdo ng damdaming sa IYO'y tunay na paangkin

Lalandasin bawat kong laman
Iguhit sa pintalan ang hugis ng aking balat
Sa bawat pagbati ng IYOng mga labi
Dadaloy itong sa puso ko'y may pagpapaubaya

Kulimlim ang gabi at tila may bugso ng ulan
Sa pagpatak nito'y magtatampisaw tayong kapwa hubad sa katotohanan
IKAW at ako'y sadyang magkapalad
Sa pagsugpong ng diwa't kaluluwa sa landas ng katotohanan

Batid kong IKAW ang siyang papawi
Sa lumbay na kumukulong sa mapagpalayang pagniniig
Ang pag-angkin mo sa aki'y sisiphayuing maalab
Sapagkat kahulugan nito'y kabatirang ako'y ganap

Sa ating pagyayakap, pagsasaluha'y tamis ng PAG-IBIG
Sa gitna ng kabatirang ako'y walang kaalaman
Isa-isang landasin ng uhaw na labi ang himaymay ng aking laman
At doo'y masusumpungan akong lubos na nagpapaubaya

No comments:

Post a Comment