Friday, January 15, 2010

PAG-IBIG AT PAGTITIWALA

(Marcos 6:45-52)

Sino po sa atin ang hindi natatakot? Sino po sa atin ang walang kinatatakutan? Hindi ba lahat tayo ay may mga kinatatakutan?

Kung natatandaan po natin? Tayo ay pinalaki ng ating mga magulang sa takot? Una, sasabihin sa atin na, “ Huwag kang pumunta dyan dahil baka manuno ka”. “ 'Wag kang gagawi riyan dahil baka mamatanda ka? “, “Pag hindi ka umuwi ng maaga, sige ka! Makakakita ka ng multo!”…Ito ang mga karaniwang pamamaraan ng ating mga magulang kung paano tayo pasusunurin noong tayo ay bata pa na hindi natin namamalayan ay nadadala natin hanggang sa tayo ay tumanda. Minsan nga, ito rin ang ating nagiging paraan para sa ating mga anak upang maging masunurin…

Ang ebanghelyo pong ating narinig ay hindi nalalayo ang kwento sa mga pangyayaring ating nakagisnan. Ang mga Judyo ay ganoon rin…May mga takot din sila sa multo o sa dagat sapagkat pinaniniwalaan nila na ang tubig ay pinamumugaran ng masasamang elemento tulad ng sea monster na nagngangalang Leviathan. Ang dagat ay nagbabadya ng isang kagilagilalas na karanasan. Kung ating susuriin ang ebanghelyo ay simple lang po ang pangyayari…Nagpauna si Hesus upang magdasal sa ilang at ang mga alagad ay pumalaot sa kabila ng nag-aalimpuyong dagundong ng hangin ngunit nahintakutan kaya’t si Hesus ay lumapit sa kanila at naglakad sa tubig…ngunit sa kanilang kabiglaan ay natakot sila kaya’t si Hesus ay nagsalita na “Ako ito!” at pinatigil niya ang hangin…at sila ay napayapa.

Ganito rin po an gating buhay, marami tayong agam-agam at takot at minsan nakakalimutan natin na may isang Diyos na nakahihigit sa lahat. Balikan po muli natin ang kwento, si Hesus ay lumakad sa tubig at pinatigil ang hangin. Ano po ang ibig iparating nito sa atin. Kung ang dagat ay pinamamahayan ng nakapangingilabot na si Leviathan, si Hesus ay mas makapangyarihan sa kanya. Gayun na rin ang hangin ay kayang sumunod kay Hesus. Ipinararating po ng kwento ang isang uri ng pagkilala sa Diyos at ang uri ng pagkilala sa Diyos na ito ay pagkilala na walang takot at anumang pangamba.

Ang pagkilala sa Diyos ay:

Una : Pagkilala sa isip - ang mananampalataya ay kumikilala sa Diyos sa kanyang mga kamangha-manghang gawain “intellectually” that God is the source of wisdom in able to understand how he works in our life.

Pangalawa : Pagkilala sa puso - ang mananampalataya ay kumikilala sa Diyos sa kanyang hindi mapapasubaliang paghipo sa ating puso upang siya ay pagkatiwalaan at mahalin. Uunahin siyang mahalin upang mas maging mabunga at makahulugan ang pagkakakilalang ito.

Pangatlo : Pagkilala sa gawa - ang mananampalataya ay kumikilala sa Diyos sa pagsasabuhay ng kanyang mg autos upang madama ng iba ang kanyang presensya.

Kung ang tatlong pagkilalang ito ay tunay na mananalaytay sa atin ay magiging tampok ang ating pagsasabuhay bilang mga Kristiyano…Walang takot! Walang pangamba sapagkat ang ating pagkakakilala sa Diyos ay nagbubunsod sa atin upang mas maramdaman ang kanyang pag-ibig na bumubukal hindi sa mga himalang maari niyang gawin ngunit higit sa lahat ay pagkilala na kaya niyang gawin kahit ang mga imposibleng bagay. Kilalanin po natin ang Diyos sa puso, sa isip at sa gawa at doon ay mababatid natin ang isang kahandaang harapin ang mga bagay na walang takot o pangamba. Ang pagkilala sa Diyos ay pagtanggap ng kanyang kakayahan sa lahat ng bagay…

No comments:

Post a Comment