Saturday, January 5, 2013

AKO AY AKO

Di ko mawari bakit ba ganito? Mga tao sa paligid ko’y nakakalito Ako nga kaya’y sadyang kakaiba At lahat na lang sila’y nagwawala Ewan ko, ako’y nalilito Maarte nga ba ako? O di lang nila tanggap, ako’y ganito Sa kilos at ugali’y kakaiba ako Ako’y madalas kutyain at hamakin Sa kilos at gawi ay dapat maliitin Gayong di naman ako kinakausap Upang alamin ang aking pangungusap Ako’y hinihusgahan sa salang di ko batid Sa likod ko’y mga mapanirang hatid Niyuyurak aking pagkatao Dahil sa mga sapantahang hindi totoo Pero isa lang ang alam ko Ako ay tao at may pusong di bato Nasasaktan ako sa mga pang-uuyam Sa mapanglait na salitang binibitiwan Basta’t alam ko lang ang aking nadarama Nagmamahal ako’t umuunawa Kahit na nga minsan ako’y inis na Patuloy pa rin akong iintindi sa kanila Masakit minsan ang magtiwala Sa mga taong akala ko’y kaibigan na Yun pala’y sila pang iiwas at lalait Sa pagkatao kong biyaya ng langit Minsan mas masakit tanggapin Sa bibig ng inakalang kaibigan Ang siyang iiwas at hindi makaunawa Di matanggap kahinaan ko sa t’wina Ako ito’t pinipilit magpakatao Sa lahat ng pagkakatao’y nais maging totoo Sa pananalita’t paglalambing ay akong ako Walang inililihim sa buong pagkatao Ako ay may puso, may damdamin din Ang sakit ko’y itinatago na lang din Sa dibdib ko’y balaraw ang nakatanim Sa mga mata ko’y luha ng panimdim Ako ay ako at tapat sa sarili ko Hindi nagkukunwari tulad ng iba Ang lahat ng nakikita’y ako Sa kilos at gawi’y walang itinatago Mahirap pala ang magpakatotoo Lalo na’t marami ang matatalino Lagi na lang may katwiran, isipan ang nagturo Gayong tugon ng puso ang hinahanap ko Maaaring di nagtatagpo Dahil hangad ko’y isinisigaw ng puso Sa pusong katotohanan ng pagkatao At hindi ang laman ng isipang nakapanloloko AKO ay AKO dahil ako ito Hindi hinulma ng lipunang ginagalawan ko Kundi dahil sa nadarama ko, sa damdamin ko Sa pinipintig ng puso kong NAGMAMAHAL AKO

No comments:

Post a Comment