Saturday, January 5, 2013

KUNG IBIG MO AKONG KILALANIN

Kung ibig mo akong kilalanin Huwag mo akong arukin sa dikta ng iyong isipan Huwag mo akong hanapin sa kalaliman ng iyong kaalaman Sapagkat doo’y hindi mo ako masisilayan Kung ibig mo akong kilalanin Huwag mo akong hubugin sa anyo ng iyong hulmahan Huwag mo akong ituring na canvass ng iyong imahinasyon Sapagkat kulang ang mga kulay upang ako’y mailarawan Kung ibig mo akong kilalanin Huwag mo akong turuan sa nasa mong galaw ko Huwag mong idikta ang hangad mong kaligayahan ko Sapagkat hindi mo ako masusumpungan sa lihim kong dako Kung ibig mo akong kilalanin Hangarin mo ako bilang ako na walang pagkukunwari Hindi sa gusto mo o nasa mo sa akin Ngunit dahil mahal mo ako bilang ako Kung ibig mo akong kilalanin Sunduin mo ako sa himlayan kong karimlan Sa sulok na di mababatid ninoman kundi ng puso mong laan Sa silay ng umagang mapanglawa at walang pagkukublihan Kung ibig mo akong kilalanin Bilang iyong dambana, ako ay akuin Ang karikta’y masisilayan sa hubad kong kalagayan At mula ulo hanggang paa sa iyo’y magpapaubaya

No comments:

Post a Comment