Saturday, September 12, 2009

HANDA KA NA BA?




Let me sing to you the chorus of a song where I pondered my thoughts:
NASA TABI KO ANG PANGINOON Salmo 139
(Fr. Benny Justiniano)

Koro: Alam kong nasa tabi kita
Panginoon ko sa lahat ng oras
kamay mo ang s’yang nag-iingat sa ‘kin
di ko maabot karunungan mong angkin.

Dito ko po sisimulan ang dalawang kwento? Gaano po ba antin kakilala ang Diyos? Sino po ba ang Diyos sa ating buhay? HANDA NA BA KAYO?

Ang kwento po ay kwento ng isang ina at kwento ng isang ama.

Mayroong isang babae at isang lalaki na simple lang ang mga pangarap. Nagsisimba sila tuwing lingo at gumagampan sa kanilang tungkulin bilang Kristiyano. Ika nga ay walang maipipintas sa kanila. Tangi nilang hiling ay magkaroon ng asawa at mga anak na aarugain nila. Ang kanilang mga panalangin ay dinidig ng Diyos. Pinagkalooban sila kapwa ng mga asawang tinatangi. Anopa’t naging masaya ang kanilang mga pagsasama. Biniyayaan sila kapwa ng malulusog na supling. Walang pagsidlan ang kanilang kaligayahan. Puno ng pasasalamat sa Diyos ang kanilang puso. Sa pangyayaring ito’y mas lalong umigting ang kanilang pagkapit sa Diyos.

Isang araw, sa panahon ng kagampanan ng babae sa kanyang anak ay pumalaot ang kanyang asawa sa dagat upang mangisda. Kumabog ang kanyang dibdib sa balitang namatay ang kanyang asawa. Ayaw paniwalain ng kanyang isipan ang pangyayaring ito ngunit ang katotohanan ay kailangan niyang harapin. Tumingala siya sa langit at nanalangin. Habang ang mga luha’y nanunulay sa kanyang mata’y naiusal niya, “Panginoon, ano man po ang krus na aking dadalhin.Susunod ako sa iyo sapagkat di ko talos ang iyong karunungan.” Binuhay niya ang kanyang mga anak at tumayong ama at ina.

Gayun naman ang asawa ng lalaki ay nagkaroon ng cancer sa ovary. Nagtrabaho siya ng higit pa sa kaniyang kailangang gawain para kumita ng higit sa pangangailangan nila at para maihandog sa asawa ang lahat ng kanyang makakayanan. Anopa’t halos pasanin na niya ang mundo. Mga kabarkada niya ay halos kantiyawan na sya. Sa kabila nito ay patuloy pa rin siyang nagsisilbi sa simbahan at pagtalima sa paglilingkod. Namatay ang kanyang asawa at laking paghihinagpis niya. Sa pangyayaring ito ay naiusal niya, “Ano man ang mangyari ay patuloy pa rin akong mananalig sa iyo.” Binuhay niya ang kanyang mga anak at tumayong ama at ina.

Ito po ay mga kwento ng pagsunod sa Diyos. Mga kwento ng pagtalikdan sa sarili upang maging matatag sa hamon ng pagtalima sa Diyos. Sa hamon ng pagiging tunay na ama at ina. Ang tanong ay handa po ba tayo sa ganitong uri ng pagsunod? Handa po ba nating harapin ang hamon ng pagkilala sa Diyos na ating sinasamba? HANDA KA NA BA?

Kung pag-aaral nating mabuti ang mga pagbasa.Sinasalamin po ng unang pagbasa ang daranasin ng Mesiyas sa propesiya ni Propeta Isaias. Tila walang pagsisidlan ang dusang daranasin nito. Ang panlilibak at pang-aalipusta ng tao. Sa ebanghelyo naman ay ipinakilala si Hesus bilang Mesiyas at Anak ng Tao na magbabata ng ibayong hirap at pighati gayon na rin ang kamatayan para sa sala ng tao. At ang sinomang sa Kanya’y sumunod ay nangangailangang talikdan ang sarili at pasanin ang kanyang pamatok. Ipinapakita rin na ang pag-iisip ng Diyos ay hindi natin piho.

Ang ebanghelyo ay nagpapaalala sa atin kung paano natin dapat kilalanin ang Mesiyas. Sa pagtanggap natin sa Anak ng Tao ay pagtanggap rin sa kahihinatnan natin bilang mga tagasunod Niya. Hindi natin dapat sukatin ang paglilingkod at pagtalima sa Diyos sa abot ng ating isipan kundi sa kung ano ang nasa ng Diyos sa atin. HANDA BA nating harapin ang mga ito? Ang dalawang kwento ay pagsasalarawan ng buhay na pasan ang krus subalit nanatiling matatag dahil batid nila ang pag-ibig at kapangyarihan ng Diyos. HANDA BA tayo? Sa na tulad din sa awitin ay kumapit tayo sa Diyos ng may pagtitiwala at kahandaan…At mabatid na nasa tabi natin ang Diyos…nagmamahal at kumakalinga…

No comments:

Post a Comment