Friday, September 11, 2009

SA PALAD MO, AMA!

Our humble house and my parents.

















Mahirap daw magkwento. Ang pagkukwento ang isang bagay na napakirap gawin sapagkat iba-iba ang mga nagiging reaksyon ng tao. May naniniwala, nanghuhusga at nanlilibak. Sa kabila nito ay gusto ko pa ring ikuwento ang aking buhay. Maaring kapulutan ng aral at maaring pagtawanan. Sabi nga ng isang paring Karmelita na si Fr. Anton Hooglan, “Your life is so boring!”. Boring man na matatawag ay gusto ko pa ring magbahagi. Ito ang isa sa nagbibigay sa akin ng inspirasyon para magpatuloy mabuhay at manalig sa Diyos. Sabi ko nga sa tula ko:

“No matter how many times I failed, I will always continue my journey because I believe in God.”

Pananalig lang ang tanging pag-asa para harapin ang lahat ng pangyuyurak ng mundo. Di ko alam kung sanaysay o talambuhay itong aking ginagawa pero dito pumapaloob ang kasaysayan ng aking buhay ng tahakin ko ang landas ng pagpapakabanal.

Ibig kong iparating na hindi ako galing sa mayamang angkan, ang tangi ko lang yaman ay ang maging totoo sa aking sarili at sa kwento ng aking buhay. Ito ang nagmulat sa akin upang harapin ang hamon ng Diyos sa pagpapahatid ng kanyang mabuting balita sa iba. Ika nga ay ginagamit ko ang aking kwento upang magbigay ng saya at pag-asa sa iba.


Wala akong gaanong kaibigan kung tutuusin. Mabibilang nga sa daliri kung sino-sino sila pero ang higit sa mga kaibigan kong ito ay ang aking madalas na hinihingahan ng sama ng loob. Sa Kanya ako nagbubuhos ng aking panahon. Kadalasan nga ay Siya ang madalas kong pag-alayan ng aking mga tula. Pero kadalasan ay pinagtatawanan ako dahil masyado raw erotic o dili kaya’y maramdamin at tila ba naghahanap ng kasuyo. Nag-aalimpuyo sa aking dibdib ang pagnanasang isatinig aking damdamin ngunit tila ang kapaligira’y hindi sumasang-ayon dito. Lagi na lang ata akong nadarapa sa pagsunod sa Kanya. Lampa ata ako o masyado atang mabuway ang aking tinutungtungan ngunit batid ko na sa bawat oras at sandali ay naroroon ang Diyos sa aking tabi. Sa maniwala kayo sa hindi ay ito ang kwento ko.

Wala akong balak pumasok sa buhay relihiyoso. Kung tutuusin nga ay takot ako sa mga pari at madre kasi pakiramdam ko ay ang babanal nila at ako ay hindi man lang karapat-dapat na mapalapit sa kanila. Ang tangi ko lamang konswelo ay ang pakikinig ng banal na Misa tuwing Miyerkoles, Biyernes at Linggo. Ang mga araw na ito ang nagpapasigla sa akin. Biro mo ba naman! Ako ay nabibilang sa isa sa magulo na atang pamilya sa Pilipinas. Halos mga kapatid kong lalaki ay lasingero at ang tatay ko ay halos sunog na ata ang baga sa kakainom. Samahan pa ng mga basag-ulo at pakikipagrambolan. Hay! Si tatay nga nakulong pa sa salang pagpatay. Tapos tatlo sa mga kapatid ko ay nakulong din sa pakikisama sa rambolan. Hay uli! Tapos, sasamahan pa ng awayan sa bahay. Sabi ko nga, “ang swerte naman ng pamilya ko!” hay, swerte talaga. At least, gumagalaw pa rin ang Diyos sa aming buhay kasi nalalagpasan naman naming lahat ng iyon.

No comments:

Post a Comment