Sa gitna ng malawak na karagatan
Masusumpungan, islang pinagpala ng kalikasan
Isang pugad ng mayamang likas-yaman
Isang paraisong handog ng Bathalang Maylalang
Ito’y larawan ng mabunying pagpapala
Iniukit upang idibuho ang pamayanang malaya
Puspos ng pag-ibig at tunay na ligaya
Sa pusod ng karagatan, nilambungan ng hiwaga
Ngunit ngayon, masdan yaring kulay
Dagat nito’y tila wala ng buhay
Isda’y namamatay, hindi makarugtong ng buhay
Sa musmos na sikmura’y wala ng maialay
Tanawin ang kabundukan, hindi na luntian
Hangi’y di mawari ang simoy na tangan
Lumalason sa panghinga’t dibdib ay nanghihina
Walang ibinubugang kaganapan ng pagtalima
Lupa’y nalason at walang ibinubunga
Maaari pang gumuho’t pumatay na bigla
Isang katotohanang di dapat ipagwalang-bahala
Ito ba’y niloob at iniadya ni Dakilang Bathala?
Oh, Isla ng Rapu-rapu, nasaan ang iyong halina?
Tila lumuluha’t humihingi ng awa
Kupkuping muli ng mga kamay na nagpapala
Upang dakilaing tunay ng mamamayang dapat na managana
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment