Friday, September 25, 2009

TAGLAGAS SA TAGSIBOL


MAALIWAS NA UMAGANG KAY GANDANG MASDAN
ANG BATIS NA MAALON AY KAYSARAP PAKINGGAN
ANG SIMOY NG HANGIN DALA AY PAGLINGAP
SA PUSONG NANANAWAGAN SA PILING NG SINTANG IBIG

PAKINGGAN...PAGMASDAN...TILA MAY BUMABAGABAG
LAYAK SA LUPA'Y NAGKALAT NA WALANG BABALA
SA PAGSIBOL NG KALIKASAN AY DAGUNDONG NG TAGLAGAS
PINAPAWI ANG LIGAYANG HATID NG PAGSILAY

ITO ANG TAGLAGAS SA TAGSIBOL NA HINDI PANGKARANIWAN
SUMASABAY SA PAGSULPOT NG PAG-ASA ANG PAGKITIL NITO
NABABANAAG SA SIWANG NG MGA SINAG ANG KULIMLIM
NAGBABADYA NG ISANG MALUMBAY NA KAGANAPAN

ISANG KARANASANG MAY SUMPANG TANGAN
AYAW MAN DING PASIBULIN ANG KABUTIHANG TAGLAY
HANGAD LAMANG AY ISANG MAKASARILING NASA
UPANG ANG IBA'Y MANATILING BULID SA KADUSTAAN

ITO ANG AKING KAPALARAN SA LANDAS NG KABANALAN
IBINULID SA PAGKAKASALANG, HINDI KO GINAWA
ABO'T NA SANA ANG PAGSILAY NGUNIT DAGLING KINITLAN
BUHAY AY HINUGOT AT DI NA NAGAWANG LUMAGO

No comments:

Post a Comment